Sta. Lucia High School
# 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City
Si Janus Silang: AT ANG LABANÁNG
MANANANGGAL-MAMBABARANG
ni Edgar Calabia Samar
Adarna Publishing House, 2015
Isang Suring-Aklat(Book-Review) na iniharap
kay G. Danilo P. Agpaoa, LPT
Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong
Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik
Ipinasa ni:
Kian Mark C. Dela Cruz
G11- STEM 2
Enero, 2025
I. PANIMULA
A. Pamagat
Alam natin na ang Manananggal o mga Mambabarang ay mga mitolohiyang karakter o nilalang na sikat dito sa ating bansa at kwento ng mga matatanda kung saan may abilidad ang mga ito hindi katulad ng mga karaniwan na tao. Kilala sila bilang mga kakaibang nilalang dahil ang Manananggal ay kayang hatiin ang katawan nya at pumatay ng mga tao at ang mga mambabarang na may kakayahang manlinlang ng mga tao.
Ang pamagat na "Janus Silang: AT ANG LABANANG MANANANGGAL MAMBABARANG" ay sumasalamin sa isang binata na si Janus kung saan hinahanap nya ang sagot sa kanyang kapangyarihan bilang isang pusong o tagapagligtas laban sa Tiyanak na kampon ng kadiliman. Isinasaad din sa kwento ang mga pagsubok na kinaharap ni Janus sa isang mundong puno ng panganib, pagsubok at mahika.
Sa pagpunta nya sa Angono, ay makikilala nya ang mga kakaibang mga tao na may mga abilidad na katulad nya at kasama nya sa pakikipaglaban sa mga kampon ng kadiliman at Tiyanak na lumikha sa mga ito.
B. Uri ng Panitikan at Genre
Ang Panitikan at Genre na sumasalamin sa aklat na ito ay ang Panitikang Kabataan kung saan ay pinapakita rito ang mga naging karanasan ni Janus na isang binata sa mundong puno ng mga alamat, pantasya at misteryo kasama ang mga nilalang na sikat dito sa ating bansa. Ipinapakita rin dito ang genre na Fantasya o Adventure kung saan kasama sa paghahanap ni Janus ng sagot sa kanyang kakayahan ay makikita nya ang mga Manananggal, Do-ol, o mga Mambabarang at higit sa lahat ang Tiyanak na nais maghasik ng lagim sa kanilang lugar at pumatay sa mga tao. Hindi tulad ng mga kwentong alamat na tradisyunal lang ang lugar, ang kwento ay hinaluan ng mga makabagong teknolohiya at mga modernong salita na ginagamit ng mga tao ngayon at hindi ng mga malalamin na kahulugan.
C. Pagkilala sa May-Akda
Si Edgar Calabia Samar ay isang multi-awarded na makata at nobelista mula sa Pilipinas. Ang kanyang unang nobela, ang Walong Diwata ng Pagkahulog, ay tumanggap ng NCCA Writers Prize noong 2005, at ang salin nito sa Ingles bilang Eight Muses of the Fall ay matagal nang nakalista sa Man Asian Literary Prize noong 2009. Noong 2013, nakatanggap siya ng dalawang Philippine National Book Awards, isa para sa kanyang ikalawang nobela, Sa Kasunod ng 909 (Best Novel), at isa pa para sa kanyang libro na nasa Creative Process, Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsulat ng Nobela (Best Book of Criticism).
Ang Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon, ang unang libro sa kanyang YA series na Janus Silang, ay tumanggap din ng Philippine National Book Award para sa Best Novel noong 2015 at Philippine National Children's Book Award para sa Best 2014-2015 Read noong 2016. Siya rin ay may nakatanggap ng mga premyo para sa kanyang tula at katha mula sa Palanca at sa PBBY-Salanga Writers Prize. Ang kanya pang ibang libro ay kasama ang Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay, a poetry collection, and 101 Kagila-gilalas na Nilalang, a children’s encyclopedia of Philippine fantastic creatures. Noong 2010, inimbitahan siya bilang writer-in-residence sa International Writing Program ng University of Iowa.
II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN
A. Tema/Paksa
Ang tema ng Si Janus Sílang at ang Labanáng Manananggal at Mambabarang ay umiikot sa pakikipaglaban ng mga kabataang nilalang sa loob ng isang mundo na puno ng kababalaghan, engkanto, at mga mitolohikal na karakter. Kasama ng mga kahindik-hindik na nilalang tulad ng manananggal at mambabarang, tinitingnan din ng akda ang mga personal na laban at pagsubok ng pangunahing tauha na, si Janus Sílang, bilang isang kabataang naharap sa mga hamon ng buhay, hindi lamang sa pisikal na laban, kundi pati na rin sa kanyang mga personal na pagdududa, insecurities, at ang kanyang proseso ng paglago at pag-unawa sa sarili.
B. Mga Tauhan, Tagpuan at Panahon
Mga Tauhan
Janus Silang: Siya ang pangunahing tauhan sa kwento. Isang batang may natatanging kakayahan na nagdadala sa kanya sa isang pakikipagsapalaran upang harapin ang mga manananggal at iba pang mga nilalang at para hanapin ang kanyang magulang na si Juan matapos ang mga trahedya na kanyang naranasan.
Manong Joey: Isa sa nag alaga kay Janus at nagbigay ng gabay at suporta sa kanya habang nasa mansiyon ito at patuloy na hinahanap ang imprint ng ama ni Janus kung buhay paba talaga ito o patay na.
Manong Isyo: Kapatid ni Manong Joey na nagsilbi rin na pangalawang magulang ni Janus at naging gabay din ito ni Janus sa pakikipagsapalaran sa Tiyanak at mga kampon nito.
Renzo - Kaibigan nila Janus, Manong Joey, at Manong Isyo kung saan kasama rin nila ito sa paglalakbay sa pakikipagsapalaran sa Tiyanak kahit ito ay isang ordinaryong tao lamang at walang kapangyarihan na taglay.
Tiyanak: Isang malakas na nilalang na kalaban nila Janus at naghahangad ng kapangyarihan na mas malakas at lumilikha ng mga kampon nito upang maghasik ng kasamaan at pumatay ng mga ordinaryong tao, mga bagani at magulang ni Janus.
Mga Tagpuan
Angono - Dito nanatili pansamantala si Janus kung saan kasama nya rito at inalagaan sya nina Manong Joey at Manong Isyo. Kasama nya rin dito ang normal na tao na si Renzo at ang kambal na bagani na kasing edad nya na sina Miro at Mira.
Kalibutan - Kabilang mundo kung saan nananatili si Ester na isang manananggal at nanatiling lihim na lugar para hindi ito malaman ng Tiyanak at maghasik ng kasamaan dito
Balanga - Lugar kung saan tunay na nakatira si Janus at ang pamilya nito. Simula ng nangyari sa kanyang mga magulang ay lumipat ito sa Angono at doon nag aral.
Panahon
Simula ng Christmas Break nang mawasak ang panangga ng mansiyon sa Angono laban sa Tiyanak at mga kampon nito. Si Janus, kasama ang kanyang mga kaibigan, ay kailangang harapin hindi lang ang mga halimaw kundi pati ang kanyang sariling takot at pagkatao. Habang sumusulong siya sa kanyang pakikipagsapalaran, natutuklasan niya ang mas malalalim na sikreto tungkol sa kanyang pagkatao at sa papel niya sa digmaan ng mga nilalang. At kahit parehas nilikha ng Tiyanak ang Manananggal at Mambabarang ay nagkaroon ito ng matinding labanan sa panig ng dalawa dahil mas pinili ng Manananggal na mabuhay kasama ang mga tao kaysa sa mga Mambabarang na pinili ang kasamaan kasama ang Tiyanak.
C. Estilo ng Pagkasulat ng May-akda
Ginamit ng may akda ang estilo ng makabagong at tradisyunal na pagsusulat. Pinagsasama niya ang mga tradisyunal na mitolohikal na nilalang ng Pilipinas tulad ng manananggal at mambabarang sa isang modernong pangyayari, isa rin sa estilo ng pagsusulat ng akda na si Samar ay ang paglalagay ng matatalinhagang paglalarawan kung saan naipapakita rito ang mga malalawak na pag unawa upang bigyang buhay at kahulugan ang mga pangyayari sa kuwento at mapalawak ito sa pang unawa ng mga mambabasa.
III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN
A. Kakintalan/Kaisipan
Ang makukuha kong aral sa aking libro na binasa ay ang mga pagsubok na kinaharap ni Janus sa pagtuklas ng kanyang sarili at paghahanap ng sagot sa mga ito. Bagamat nangibabaw ang takot sa kanya dahil sa paghabol sa kanya ng Manananggal at paglalagay ng dilang - karayom sa kanyang puso, hindi ito naging hadlang upang matuklasan ang tunay nyang kakayahan.
Sa kabila ng mga panganib at misteryo na mayroon sa aklat, hindi ito naging hadlang upang magkaroon ng pamilya si Janus kahit patay na ang mga magulang nito. Naramdaman nya muli ang pagmamahal dahil sa kaniyang mga kaibigan at kina Manong Isyo at Manong Joey na tinuring niya na pangalawang magulang. Sa pagitan ng labanan ng Manananggal at Mambabarang, hindi nawala ang tiwala ni Janus hindi lamang sa kanyang kakayahan, kundi sa kanyang mga kaibigan na nagsilbing gabay sa paghanap nya ng katotohanan.
B. Kulturang Masasalamin
Ang mga Paniniwala ng mga Pilipino - patungkol sa mga alamat at mga nilalang katulad ng aswang at manananggal. Uso rin ang mga barang o mga kulam na kung saan ay matagal na itong pamahiin sa mga Pilipino at siyang kinatatakutan ng mga ito. Ngunit, sabi rin ng ibang mga ninuno natin ay meron ditong pangontra o mga manggagamot na siyang nakikita rin sa mga probinsya.
Bayanihan at ang Kahalagahan ng Pamilya- Ipinakita sa kwento ang importansya ng pamilya at mga kaibigan ni Janus sa kanyang paghahanap sa katotohan patungkol sa kaniyang kakayahan na isa sa mga kultura na sumasalamin sa pagiging Pilipino.
Laro at mga Teknolohiya
- Ipinakita sa kwento ang paglalaro ni Janus ng TALA online kung saan nagkaroon ito ng mga kalaro na kasama niya sa pakikipagsapalaran sa kampon ng Tiyanak. Isa rin Ito sa kinagigiliwan ng mga kabataan ngayon dahil lalo na ngayong modernong panahon at mas malalim na koneksyon sa sariling kultura at kasaysayan.
IV. LAGOM
Apat na buwan na si Janus sa mansiyon nina Manong Joey sa Angono pero naroon pa rin ang sakit ng dilang-karayom ng manananggal sa puso niya dahil sa pagkawala ng mga mahal sa buhay at sapilitang paglayo kay Mica.
Simula ng Christmas break nang mawasak ang proteksiyon ng mansiyon laban sa Tiyanak at sa mga kampon nito. Matinding barang ba ito? Nawawala rin si Mira, ang isa sa kambal na baganing kasing-edad ni Janus at inampon din nina Manong Joey. Ipinagtapat naman ni Renzo kay Janus ang matagal na palang sinusundan ni Manong Isyo: bumalik sa mapa ng utak ng dalawang manong ang brain imprint ng Papa ni Janus at maaaring buhay pa pala ito!
Sa pagpasok ni Janus sa Level 9 ng TALA, dito niya makikita ang Paraluman na siyang nilikha ng Ikasiyam na Bathala, at sa pagkawala niya na siyang ikinagulat nina Renzo at Manong Joey. Sa kanyang paggising ay napansin niyang bumalik ito sa kanilang bahay sa Balanga at nakita niya ang kaniyang papa na si Juan, at dito ay inakala niyang hindi ito ang totoong niyang ama at sa huli ay malalaman nito na nabuksan na niya pala ang kakayahan niya bilang isang pusong.
V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI
Kung nais ninyo ng mga kuwento na tungkol sa mga alamat o mga mitolohiyang nilalang sa Pilipinas ay inirerekomenda ko sa inyo ang libro na ito. Mahusay ang pagkakagawa ng awtor sa libro na ito sapagkat inilalahad nya ang mga pagsubok o mga pinagdaan ng isang kabataan kasama ang mga nilalang na may mga natatanging kapangyarihan.
Nagbigay din ito maraming aral kung saan pinapahalagahan natin ang ating kultura at binigyang pansin din ang mga makabagong teknolohiya na kung saan ang paglalaro ang siyang pinagkakainteresan ng mga kabataan at nagiging koneksiyon din ito sa kanilang pamilya at mga kaibigan. Kung matapos niyo man ito ay may kasunod itong serye kung saan ito ay tungkol sa kakayahan ni Janus nang sabihin ito sa pinakahuling pahina ng libro.
Para sa akin, bitin ang kwento kaya nais kong bilhin ang kasunod na aklat nito at basahin ang mga nangyari sa pagiging pusong ni Janus o ang paglabas ng kanyang kapangyarihan sa ikatlong libro kung saan mas naenganyo ako dahil malalaman ko ang tunay na kakayahan ni Janus hindi lamang isang may kapangyarihan, bagkus ang ipagtanggol ang k
anyang mga mahal sa buhay sa kampon ng kadiliman at sa Tiyanak.
No comments:
Post a Comment