"data-elfsight-app-lazy>>

Friday, January 17, 2025

Sulatin no. 4 - Takipsilim


         Simula noong ako'y bata pa lamang ay kaagapay at nagsisilbing gabay na sa akin ang aking lolo at lola. Sila ang nagsisilbi kong pangalawang magulang sa tuwing nasa trabaho ang aking ina at ama, Ang aking lolo at lola ay napakasipag na para bang wala silang iniinda na sakit sa katawan sa kabila ng kanilang edad. Tinuruan nila ako na maging isang magalang na bata, may takot sa Diyos at may respeto sa kung sino man ang aking makasalubong o makasalamuha sa daan. Katulad ng aking mga magulang, lagi nila akong pinaaalalahanan na unahin ko ang aking pag-aaral at makapagtapos para magkaroon ng magandang kinabukasan.


     Sa kabila ng mga payo at paggabay, alam natin na hindi magiging permanente ang kanilang buhay dito sa lupa na ating kinabubuhayan. Simula ng mawala ang aking lolo ay parang nawalan na rin ako ng lakas dahil habang siya ay lumalaban sa kaniyang paghinga ay wala akong nagawa dahil sa kaba at takot na aking naramdaman sa mga oras na iyon. Sa kabila ng kaniyang pagkapanaw ay nagpapasalamat parin sa aking lolo dahil sa lahat ng sakripisyo at pagmamahal na naibigay niya sa amin simula ng kami ay bata pa lamang. Higit doon, nagkaroon din ng pangyayari na kung saan ay nahulog ang aking lola sa aming terrace at nabalian siya ng buto banda sa kaniyang binti kung saan ito ang naging dahilan upang hindi na siya makalakad. Sa kabila ng pinagdaanan ng aking lola, hindi ito hadlang para siya ay ngumiti parin at ipadama ang pagmamahal niya sa amin.


        Ang pagmamahal ng ating mga lolo at lola ay walang kapantay na kung saan ipinapadama nila ito sa kabila ng mga problema na kanilang pinag daanan, ang pagmamahal nila ay higit pa sa kung anong salapi o halaga dahil ito ay hindi matutumbasan. Kaya pahalagahan natin sila at ipadama ang pagmamahal na kaya nating mabigay sa kanila.







No comments:

Post a Comment